Matapos ang 'Labanan ng mga Lobo,' nagpasya ang mga lobo at ang sangkatauhan sa isang pansamantalang kasunduan–ang mamuhay nang tahimik at hiwalay sa isa't isa. Kinuha ng mga Lobo ang kagubatan at kapatagan, at kinuha naman ng sangkatauhan ang mga lungsod at bayan. Ang sangkatauhan ay muli pang nahati sa mga Salat at mga Nakatataas. Dahil sa unti-unting pagkawala ng makakain, nagkaroon ng taggutom para sa mga Salat na kapos sa buhay. Paano na kung ang isang labindalawang taong gulang na Salat na si Ellie ay napadpad sa teritoryo ng mga Lobo dahil sa desperasyong makahanap ng makakain? Talaga bang katakot-takot na mga nilalang ang mga Lobo gaya sa mga kwento o itinago lamang ng mga Nakatataas ang katotohanan?
Rating ng Edad: 18+
Ellie
Nakadungaw mula sa pinaguuupuang puno, kitang-kita ko ang araw na palubog pa lamang. Hindi pa tuluyang lumisan at nasa may gitna pa lamang ng kalangitan, kaya natatanaw pa rin ang magandang kislap at liwanag nitong binababalot ang mundo.
"Hoy, ano ‘yang ginagawa mo, Ell?"
Napatingala ako at nakita ko ang aking kapatid na si Jackson na nakatayo naman sa aking harapan.
"Malapit ka, Ell. Ang lapit mo na sa hatian. Alam mo ang kautusan," pagbababala ni kuya.
Napaikot na lang ang aking mga mata at napailing sa kanyang mga sinabi.
"Ngayon pa lang, Ell, huwag na huwag mong subukang mag-isip ng kahit anong paglagpas o paglapit sa hatian. Ultimo pag-iisip lamang nito ay kaparu-parusa na. Mag-isip-isip ka at magiging kalahati na lamang ang ating rasyong pangkain," pananakot ni kuya.
Napairap ako sa inis, "yung kalahati ng kakarampot ay kakarampot pa rin, kuya."
Tinapik ni kuya ang balikat ko.
"Oh heto, alam kong gutom ka na," sinabi niya.
Pagtingin ko sa kamay niya, bumuka ang bibig ko sa gulat. May hawak si Jackson na pagkain. Hindi ko pa ito natitikman kailanman, at mas lalong hindi pa ako nakakita ng ganitong uri ng pagkain.
“A... Ano yan? Saan mo nakuha ‘to? " Sumitsit ako, habang tinitingnan ang balot sa kanyang kamay.
Hinati niya ito sa gitna at inabot sa akin ang isang kalahati, at kinain niya ang natira.
"Tso-ko-late ang tawag dito," sabi niya, "at kung ‘di mo alam, hindi ka pwedeng makisali sa gulo."
Mabilis kong sinimulan itong kainin at ninamnam ang matamis na lasa. Ang sarap nito ah!
Natawa ako sa kanyang sinabi, "pero pinagsasabihan mo ‘ko dahil lang tumitingin ako sa hatian."
Umiling si Jackson.
“Iba ‘yon, ‘pag nahanap ka ng mga guwardyang ginagawa ‘yon, babarilin ka nila ng walang tanong-tanong.
"At kung mahanap ka man nila..." sabay turo naman siya sa kagiliran, "ay, ang Diyos na lang ang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa ‘yo ... kung ang mga sinasabi ay totoo," dagdag pa niya.
Umiling ako, at isinara na lamang ang aking bibig.
"Marami silang pagkain na hindi na nila alam ano ang gagawin dito, at tayo... wala tayong makain. Mas maganda pa ang buhay at mas nakakakain pa ang mga alagang hayop nila kumpara sa atin."
Pinilit kong pigilin ang luha na nagbabantang bumagsak. Buti na lang at hindi nakita ni Jackson ang aking pagkabalisa.
Tumawa si Jackson, "hayop sila Ell."
Umirap ako sa kanyang sinabi habang nginunguya ko ang natitirang pagkain. Para paring walang laman ang aking tiyan, pero nakatulong kahit papaano ang tsokolate.
Ipinatong ni kuya ang kamay niya sa aking balikat.
"Tara! Bumalik na tayo habang hindi pa tayo hinahanap. Kailangan mong makabawi sa tulog at alisin mo yang walang kabuluhang ideya sa utak mo ha."
Tumayo ako at pumayag na bumalik sa work camp.
Kailangan kasi gising na kami nang madaling araw, at kinakalas ang mga tirang gusali o kalat sa bayan na pinakamalapit sa hati. Pagkatapos, ang buldoser na muna ang magtutuloy sa trabaho. At tsaka namin pipiliin ang mga bato bago nila arahin at itanim ito.
Hindi ito lupang pansaka. Ang lupang ito ang natira sa isang matandang bayan na masyadong malapit sa hatian upang tahanan ng mga tao. Bukod pa, kakaunti ang pagkain dito.
Kung may pagkakataong makapagtanim sila ng anumang pagkain, kailangan nila itong kunin.
Ganito ang buong buhay ko, at pati na rin sa aking mga magulang noong nabubuhay pa sila. Matapos ang giyera, nakuha ng mga tao ang mga lungsod at bayan at nakuha naman ng mga lobo ang kagubatan at kapatagan.
Kailangan mo lamang tingnan ang lagpas ng hatian upang makita ang mga hayop at baka, mga lagwerta ng prutas at bukirin na puno ng mga pananim.
Maayos ang pamumuhay sa mga bayan, ngunit hindi ka maaaring makapagtanim ng makakain dito. Ang mga lugar lamang na pwedeng taniman ay ang mga parke na artipisyal na ginawa ng mga tao. Ginamit ang mga parke para sa pagtatanim. Ngunit hindi pa rin ito sapat.
Ang tanging dahilan lamang kaya kami nakaligtas ng aking kapatid nang mamatay ang aming mga magulang ay dahil sa mga work camps.
Nagtrabaho ka nang labindalawang oras? Makakakuha ka ng isang pagkain–kung matatawag pa nga ba ‘tong pagkain. Ang benepisyo ng trabaho ay gulay na nilaga lamang na mas maraming pang tubig kaysa sa gulay, at isang kama.
Kapag nahuli kang nagnakaw ng pagkain, masesentensyahan ka agad ng kamatayan. Ang pagtawid sa hatian ay pareho lang din. Kung hindi ka papatayin ng mga Lobo, papatayin ka naman ng mga guwardiya.
Para bang impyerno ang buhay ng mga tao. Kailangang katumbas ng pasakit at peligro ang mga makukuha kapag tumawid sa hatian, magnakaw ng ilang pagkain at bumalik sa bayan.
Kung hindi kami nakakita ng paraan upang makakuha ng maraming pagkain, mamamatay ang sangkatauhan sa gutom.
Nakakuha kami ng ilang nanghihinalang mga tingin mula sa mga guwardiya habang pabalik sa kampo. Napatahimik na lang kami. Nang makabalik kami sa blockhouse, tumungo kami sa aming mga higaan.
Karamihan sa mga pamilya ay magkakasamang natutulog. Kung ikaw ay mag-isa lamang, pwede kang mapasama sa mga lalaki o mga babae, depende sa iyong kasarian. Masuwerte kami ng aking kapatid, at kaagapay namin ang isa’t isa.
Humiga ako at umupo si Jackson sa paanan ng kama. Parati niya ‘yong ginagawa, hanggang sa makatulog ako.
"Sa tingin mo, alam kaya nila na mamamatay na tayo sa gutom?" bulong ko.
Sumimangot si Jackson, "Sino?"
Nag-alangan ako, bago ko ibinaba ang aking boses, "Yung mga lobo."
Umiling si Jackson, at kumunot ang kanyang noo.
"’Wag mo na isipin ‘yon, Ellie. Hindi mo nga dapat pinag-uusapan sila eh."
Pinikit ko na lamang ang aking mga mata at sabay napahinga ng malalim.
Alam kong para sa ikabubuti ko lamang ang iniisip ni Kuya Jackson, ngunit hindi ko masikmurang isipin na mamamatay lamang ako sa gutom, o dahil sa sakit na hindi kayang labanan ng aking katawan dahil naman sa gutom.
Inabutan din ako ng antok, ngunit hindi nagtagal ang aking mahimbing na tulog. Ginising ako ng nagrereklamo kong kalamnam dahil sa kawalan ng kinain.
Tulog na ang lahat, maliban kay Jackson, na ikinagulat kong wala sa kanyang higaan.
Naisip ko ang tsokolateng pinaghatian namin kanina. Nagnanakaw kaya siya ng pagkain? Bakit hindi siya nag-iingat? Napadpad ang aking isipan sa hatian. Kung ako man ay magnanakaw ng makakain, kailangan ko itong gawin–ngayon na.
Maiintindihan ito ni Kuya Jackson. Mas onti ang mga nakabantay na guwardya sa gabi. Pwede akong lumagpas sa hatian at bumalik agad, saka humanap ng pagtataguan ng pagkain. Pagkatapos nito ay paghahatian namin ni kuya ang mga ito.
Kapag nasa sukdulan ka na talaga ng kahirapan, mapipilitan kang gumawa ng kahit ano para lang mabuhay. At desperado na ako ngayon. Lahat kami, sa katunayan. Unti-unti kaming pinapatay ng gutom. Hindi naman siguro lahat, pero kami ang nasa pinaka ibaba sa antas ng lipunan.
Ang pinakamababang uri ng manggagawa. Patapon lamang kami rito.
Sumampa ako sa kama, at dali-daling nagtali ng buhok. Kinuha ko ang maliit na backpack mula sa ilalim ng kama, bago gumapang palabas ng blockhouse.
Madilim ang aking suot na damit kaya mabilis akong nakatago at hindi agad makita. Nagpapasalamat ako na maitim ang kulay ng aking buhok at humalo ito sa kadiliman ng gabi. Ang buwan lamang ang nagbibigay ilaw sa daan.
Matagal ko na itong pinaplano. Alam ko eksakto kung saan ang mga guwardiya nagbabantay. Palagi silang dumadaan sa parehong ruta, binabantayan ang bawat gilid at ang hatian.
Nagmasid ako habang naglalakad ang guwardiya sa kabilang dulo ng kampo at patungo sa hatian.
Nagtago ako sa mga anino hanggang sa ang bantay ay tumungo sa sunod na pwesto.
Buti na lang, walang mga bakod ang hatian at mayroon lamang nakahilerang malalaking bato. Alam ng lahat na bawal lumagpas sa linyang ito. Ngunit ngayong gabi, isasantabi ko ang batas. Ngayon, maghahanap ako ng makakain.
Ang pagtawid sa hatian ay mas madali kaysa sa inaasahan ko. Wala kasi sa isip ng mga guwardiya na may sinumang susubok na tumawid nito.
Natural lamang ito dahil maaga pa lang ay sinaksak na sa isipan ng mga kabataan na bawal itong gawin.
Ang mga patakaran, ang mga parusa, at higit sa lahat, na ang mga lobo ay mga halimaw na pinagpipiyestahan ang laman ng mga sanggol.
Lahat kami rito ay ulila. Ang mga magulang namin ay namatay sa sakit o dahil sa gutom. Ang ilan ay pinatay ng mga guwardiya, para lamang sa pagsubok na magnakaw ng kaunting pagkain para sa kanilang mga anak.
Ang magulang namin ni kuya ay namatay dahil sa sakit. Ito ang aking buhay sa loob ng apat na taon. Ako ay nagtatrabaho hanggang sa mahapo na ako sa pagod. Si Jackson naman ay mas matanda sa akin at mas malakas.
Ito ang kanyang huling taon dito, pagkatapos ay iiwan na niya ako. Ipapadala kasi si Jackson para sa pagsasanay sa pagbabantay, pwera na lang kung siya ay nag-AWOL o nawala nang bigla. Nagtataka ako kung ang kanyang gabi-gabing pagkawala ay may kinalaman doon.
Hindi namalayan ni kuya na alam kong umaalis siya gabi-gabi. Hindi ko nga lang alam kung saan siya nagpunta.
Ang lupa sa kabilang banda ng hati ay katulad ng sa amin, matigas na luwad na mahirap hukayin. Hula ko ay may halo itong kongkreto.
Lagpas isang daang yarda, ang matigas na putik ay naging matabang lupa, at makikita na ang mga halamang tumutubo. Kitang-kita ang maliliit na damo-damong lumaki sa kapatagan hanggang sa nababalot na ito ng mga luntiang damo.
Yumuko ako at dinamdam ang mga damo. Ngayon ang unang beses ko pa lamang makaramdam ng damo. Nakikita ko lamang ang mga ito sa litrato noong bata pa ao, ngunit hindi ko pa ito nadama ni naamoy. Ito ay may natatanging amoy.
Hindi ko mapigilang mapangiti sa aking sarili. Palagi kaming tinuturuan ng aking ama noong nabubuhay pa siya. 'Aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo' sinasabi pa niya lagi.
Ibig sabihin ay dapat tayong magpasalamat sa kung ano ang mayroon tayo. Sa katunayan, walang damo kung saan ako nanggaling.
Tumungo ako palalim sa teritoryo ng mga lobo. Nagtatago at nagpapakatahimik upang ‘di mahuli.
Hindi namalayan ni Jackson, ngunit nakita ko na ang mga tinatawag nilang halimaw. Sa huling gusaling kinalas namin, nakakita ako ng isang libro at isang pares ng binoculars.
Itinago ko ang binoculars sa aking dyaket, at tinitingnan ang libro. Hindi nahanap ng mga guwardiya ang binoculars, pero nabugbog naman ako di kalaunan dahil ako’y nagpahinga nang labas sa oras.
Limang minuto lamang, ngunit ang mga batas ay batas. Kung nahanap nila ang binoculars, mas malala pa ang nangyari sa akin.
Ginamit ko ang mga ito makalipas ang ilang araw, pagkatapos ng trabaho. Ang mga guwardya ay nasa ibang checkpoint, at may liwanag pa rin ang araw.
Noon ko sila nakita. Nagtatrabaho sila sa bukid. Hindi naiiba ang itsura sa amin, mas matangkad lamang, mas malaki at batak.
Bakit namin sila kinamumuhian? Talaga bang iba sila sa amin?
Doon ko napagpasyahang tumawid sa kabilang dako. Marami silang mga pagkain, habang kami ay walang-wala na. Hindi naman sila mukhang mga halimaw sa malayo.
Walang ni isang lobo ang makikita ngayong gabi. Ang sinumang may matinong isip na nilalang, lobo o tao, ay natutulog na ngayong dis oras ng gabi.
Lumapit pa ako sa kanilang teritoryo, pagkatapos ay may nakita ako sa ‘di kalayuan. Isang gusali. Para itong kamalig. Medyo malapit ito sa isang kural na naglalaman ng mga hayop.
Mabilis kong sinuri ang aking paligid at mukhang wala namang bakas ng kahit sinuman, kaya dumiretso na ako sa gusali.
Tama ako sa aking palagay na isa itong kamalig. Binuksan ko ang pinto at hinayaang pailawin ang loob ng kislap ng buwan.
Muntik na akong tumili sa aking nakita. Sinuswerte nga naman ako. Mayroong mga sako ng prutas at gulay. Pati isang kahon ng nilipasang tinapay. Kumuha ako ng isang mansanas at kinagat ito.
Hindi pa ako nakakakain ng mansanas dati, pero nakakita na ako ng litrato nito. Ang loob ay kayumanggi at malambot. Masarap sa panlasa.
Dumukot ako at pinasok sa aking backpack habang inuubos ang kinagat na mansanas. Kumuha rin ako ng tinapay. Matigas na ito at hindi na malambot pero hindi pa naman sira.
Tinikman ko ang tinapay. Hindi ito masarap gaya ng mansanas, pero mamimili pa ba ako sa lagay na ‘to?
Mukhang karot ang mga gulay. Ang ilan ay maliit, ang iba hindi na rin maganda. Kinagat ko ang isa at hindi pa naman masama ito. Nilagay ko ang ilang gulay sa aking backpack na ngayon ay punong-puno na.
Habang nilalagay ko ang backpack sa aking likuran, kumuha ako ng isa pang mansanas at tinapay, at tumungo sa pintuan.
Doon ko narinig. Isang alulong, kasunod ng isa pa.
Tumakbo ako. Sasabog na ang aking puso sa aking dibdib, at dali-dali akong bumalik sa hatian o border.